Friday, January 6, 2012

MGA PILING AKDA NG MGA ESTUDYANTE SA IKATLONG TAON NG MEDELLIN NATIONAL SCIENCE AND TECHNOLOGY SCHOOL

LUHA KO, LUHA MO
ni Ella Jane Conje


Hindi ko lubos maisip,
Habang ako'y naiinip.
Nasa isang sulok ng buhay,
Nando'n ang mga taong ayaw sa akin.

Pinapagalitan at sinasaktan ang aking loob,
Habang ako'y walang magawa.
Kundi ang lumuluha,
Ano, masaya ba kayo?

Puso ko'y nalulungkot,
Dahil sa kagagawan ninyo.
Hindi ko maisip,
Na kayo pala ang unang makakasakit sa akin.

Alam kung noon pa ay hindi n'yo ako gusto,
Anong magagawa ko?
Kung tingin sa akin ay malas sa buhay n'yo,
Masisisi ko ba ang sarili ko?

Araw-araw ay lumuluha,
Bakit hindi na lang kunin ang buhay ko.
Kung dyan lang kayo magiging masaya,
Dahil alam ko luha ko ay kaligayahan mo.

*****************************************************************

PARA ANG PUSO'Y KUMALMA
ni Rein Lao


Magmula nang namulat ang musmos kong kaisipan,
Pagsubok ng balakid pinilit kong harapin.
Maging ang hirap at pagod minabuting 'wag isipin.

Minsan nga ay naisip na dayain ang sarili,
Para lang tapang sa loob ko'y manatili.
Ngumingiti upang magmukhang masaya,
At ginigiit kahit alam kong di ko na kaya.

Sa panahong ako'y nasasaktan,
Batid kong 'di palaging may malalapitan.
Sa tuwing hirap na akong magtimpi,
Tanging pagluha ang nakikita kong kakampi.

Dito nailalabas ang nadarama,
Isang paraan para pagod na puso'y kumalma.
Pagkatapos nito'y ititigil ang hikbi,
At ipipinta sa mukha ang matamis ng ngiti.

*********************************************************************


BUTIL NG BUHAY

ni Desiree Bonocan


Sa mundong ito, buhay ay walang kasiguraduhan,
Kailangan ito'y dapat paghandaan.
Sapagkat lagi nating mararamdaman,
Itong daloy ng kalungkutan at kasiyahan.

May pagkakataong tayo'y lumuha,
Sa ating buhay pag tayo'y masaya.
Ito'y dahilan ng ating tagumpay,
O 'di kaya'y masayahin lang sa buhay.

May luha ring dulot ng lungkot,
Na nagpapahirap sa bulaklak nito't tayutot.
Pati ang pusong nagmamalabis,
Ay nababahiran na rin ng mga hinagpis.

Sa pag-agos ng mga butil na ito,
Akala mo'y ika'y naengkanto.
Ang hindi mo alam,
Epekto nito sa puso'y sinamsam.

Pero ito ri'y may kabutihang handog,
Kung saan puso'y mukhang sasabog.
Hindi sa sakim o galit,
Kundi sa pag-asa na iyong nakamit.


******************************************************

MAHAL KONG LOLA
ni Jayvan Andrew B. Jarina


Lumaki ako sa pangangalaga ng aking Lola at Lolo,
Sapagkat sila Nanay at Tatay kapwa nagtatrabaho.
Mga pinsan at kapitbahay ang aking mga kalaro,
Naghahabulan, nagtataguan at naglalaro ng piko.

Binusog nila ako sa pagmamahal at mga pangaral,
Laging pinapaalala na araw-araw ay dapat magdasal.
Bilin din unahin at tapusin muna ang aking pag-aaral,
At sa kapwa matutong ibahagi ang kagandahang asal.

Isang araw aking Lolo ay bigla na lamang nanghina,
Na-mild stroke pala at may komplikasyon din sa baga.
Hindi na mapagsalita umurong ang kanyang dila,
Wala akong magawa noon kung di lihim na lumuluha.

Kitang-kita ko kung papaano siya lubhang pinahirapan,
Ng kanyang sakit kaya pilit niya itong pinaglabanan.
Ilang buwan din siyang labas pasok sa pagamutan,
Anong bigat ng aking dibdib pag siya ay pinagmamasdan.

Nakasakay ako sa dyip nang makita ko si Lola sa tabing kalsada,
Ako ay agad pumara at sa kanilang bahay kami ay nagpunta.
Dinatnan ko si Lolong basang-basa na pala ng ihi niya,
Ilang araw ang lumipas, nalagutan na siya ng hininga.

Nang siya ay ilibing magkahalong lungkot sa saya sa aking nadama,
Lungkot sapagkat hindi ko na siya makakapiling at makikita.
Saya dahil alam kong di na siya naghirap at ngayon ay payapa na,
Lolo hindi kita malilimutan, salamat po, mahal na mahal kita.

**************************************************************************

UNOS NG PAG-IBIG
ni Mary Louise C. Duaban


Tumulo ka ka, Oh aking luha,
Luhang nagbibigay ng sakit at pag-asa.
Luhang naghahatid ng lungkot at ligaya,
Dito sa puso ko'y bumabara.

Luhang di maubos-ubos,
Sa pisngi humaaplos.
Tinik sa lalamunan,
Sa pusong palaban.

Luhang umaagos,
Sa puso'y tumatagos.
Luhang lumagaslas,
Sa isip lumalagaslas.

Oh luha ng kalungkutan,
Ako'y iyong lubayan.
Oh luha ng kaligayahan,
Ako'y iyong subaybayan.
Oh luhang pinakawalan,
Sana'y matumbasan.
Ng ligayang walang hanggan,
Sa pusong hinandugan.


***************************************************************************

LUHANG DALA NG KATOTOHANANG PAG-IBIG
ni Evejane M. Arriesgado


Nang una kang makita, ako'y natulala,
Sabi ko sa sarili ko, ikaw na nga talaga.
Kaya balak agad ng puso ko'y ika'y mahalin,
Ito'y aking pag-iigihan para lang ika'y maangkin.

Sumunod na mga araw, ikaw ay linigawan,
Ginawa ko lahat para ika'y pagsilbihan.
Ngunit parang ipinakita mo sa akin ako'y hindi mo gusto,
Ang sakit-sakit pero bakit ang puso ko'y ayaw pang sumuko?

Hindi kita tinigilan para makita ko kung gaano ka kahalaga,
Kahit sabihin pa ng Tatay, Nanay, mga kapatid na ako'y tanga.
Wala akong pakialam sa mga  sinasabi nila,
Basta't para sa aki'y ikaw ang pinakamahalaga.

Ano bang ayaw mo sa akin at ako'y iyong inisnab?
Pinapangako ko naman, ika'y ihaharap ko sa altar na makintab.
Pero bakit anong pangako, pareho lamang ang pinapakita?
Wala ka bang tiwala sa aking magagawa?

Sinabi mo sa akin noon na ikaw ay tuwid,
Naniwala naman ang sugatan kong pusong manhid.
Sapagkat ano itong natuklasan, ikaw pala ay becky,
Sobrang tanga ko talaga, hindi ko namalayan ikaw ay peke.

Minsan lang umibig ang tangang 'to,
Pero bakit ako'y ginaganito.
Kaya ngayon, umiiyak ang puso kong duguan,
Mahirap talagang magmove-on pag umibig na nang totohanan.

**************************************************************************************

LUHA NG BUHAY
ni Charmaine R. Berioso


Simula pa lang sa pagsilang,
Mata ko'y luhaan.
Mata ko may uripon, hindi naman ito nasisilawan,
Sa mga makikinang na bulawan.

Sa ilalim ng aking mga mata,
May nakatagong mga luha.
Hindi man ito pumapatak sa tamang oras,
Pumapatak ito sa tamang landas.

Sana sa aking pagdilat,
Makikita ko ang liwanag.
Na walang katapusang ligaya,
At 'di na maliligaw sa maling akda.

Luha ng aking mga mata,
Puno ng mga pagdarama.
Malungkot man o masaya,
Luha ng buhay nagbibigay sa akin ng pag-asa.


************************************************************************************

SA GITNA NG MINSAN
ni Glaizah Pones


Taong dalawang libo't  labing-isa,
Sa buhay natin siya'y nagpakita.
At sa publiko ay pumapabida,
Kahit siya naman ay kontrabida.

Laksa-laksang tao sinubok niya,
Kahit ito pa man ay maralita.
Basta sagabal sa daraanan niya,
Walang 'di babaliktad na bituka.

Kaliwa't kanan ang hiyaw ay adya,
Ngunit ano ang iyong magagawa.
Kung mismo ang sarili mo man,
Ay nilulugmok ng madugong luha.

Bagamat bahag ang buntot ni Lilong,
Ay 'di natakot sumaklolo ng tulong.
Sa mga taong nawalan ng bubong,
Dahil sa pakana ni Sendong.

At ang minsang luha ng kapaitan,
Ay unti-unti nang nababawasan.
At ito ngayon ay pinapalitan,
Ng hirang Luha ng Kagalakan.


*********************************************************************************

HINDI MAN NGAYON
ni Cherrilyn R. Veloso


.Ako'y natatangi sapagkat pinagkalooban ng isang katulad mo,
Na sa aking pira-pirasong pagkatao'y bumuo.
Nagdusa't napahamak ka man nang dahil sa akin,
Ay minamal at tinupad mo pa rin ang iyong tungkulin.

Hindi ko pa man nababanaag ang liwanag ng mundo,
Kilalang-kilala ko na ang iyong debuho.
Tanging ang iyong hele, sa aking kalooba'y nagpapanatag,
At kahit ni minsan ako ay di nababagabag.

Ngunit marahang pumapatak ang aking luha sa ngayon,
Habang binabalik-balikan ang ating masayang kahapon.
Sapagkat ikaw ay tuluyan nang naglaho sa kasalukuyan,
Na wala man lang iniwang sapat na dahilan.

Ngunit Inay, tandang-tanda ko pa ang iyong pangako,
Na kahit anong mangyari, ako'y babalikan mo.
Hindi man ngayon, bukas o sa makalawa,
Alam mo na ako ay patuloy na umaasang tayo'y muling magsasama.

****************************************************************************************

SIYA
ni Excel Ann Compuesto


Sa kinailaliman ng puso kong mapagkunwari,
Ay isang tagong pighati't sakit na masidhi.
Kung gaano ako kasaya no'ng sya'y narito pa,
S'ya ring hapdi ng pag-ibig na ngayo'y wala na.

Mas malaki pa sa sansinukob nating 'to,
Mas komplekado sa pagkabuo ng mundo.
Mas matindi sa paulit-ulit na kamatayan,
'Yan ang pag-ibig kong 'di ko rin maintindihan.

Galit ko'y pinupuno ng apoy ang katawan,
Na nawawala sa t'wing sya'y sumasagi sa isipan.
Di ako galit sa kanya o sa kung ano't sino man,
Maliban sa tangang 'di s'ya kayang kalimutan.

Sa mga pangako n'yang di n'ya mapanindigan,
Hindi s'ya karapat-dapat na aking pahalagahan.
Higanti'y 'di kailan man hangad sa sya'y bigyan,
Dahil bawat kirot sa kanya'y doble sa'kin 'yan.

Ayaw ko nang umiyak at ipakita pagkatalunan ko,
'pagkat sa paraang iyo'y winawasak kong mundo ko.
Gusto kong tumawa nalang parati ng todo-todo,
Baka malimot pa'ng sakit na yakap ang puso ko.

Ngunit itawa ko ma'y 'di mawawala't mas dumurugo,
Damdami'y sumisigaw pa rin na sana'y 'di s'ya lumayo.
Bakit nga ba sa likod ng masaklap na pagtalikod n'ya,
Mabigat na rason pa rin ng pagpatak ng luha ko'y siya.

*************************************************************************************

TULAY NG BUHAY
ni Madel Mendiola


Ako'y isang batang namulat,
Sa mundong namatay sa sakit ng sikmura.
Sa mundong ang pagkain ay salat,
Sa mundong kung saan-saan may kalat.

Ako'y lumaking ulila,
Ama'y namatay sa sakit ng sikmura.
Ina'y iniwan at biglang nawala,
Kaya ako ngayo'y nangungulila.

Isa lang ang aking nalalaman,
Ina ko'y basta na lang akong iniwan.
'Di alam kung ito'y makatarungan,
Ina bang tunay ang ako'y iniwan.

Pero ganito man ang aking buhay,
Walang dahilan upang putulin ang tulay.
Tulay na makulay,
Tungo sa magandang buhay.

******************************************************************************
MAGULANG
ni Carlo Catadman


Sa ama't ina, tayo'y nasa puso,
Tuwa'y umiiral, kasakita'y lumalayo.
Mapag-alaga't 'di tayo isusuko,
Pagmamahal at pag-aalaga sila'y puno.

Anong sakit man ang ibibigay sa kanila,
Pagprotekta pa rin ang pakay nila.
Pagbabaya'y hindi salita sa kanila,
Kundi pagmamahal ang nasa damdamin nila.

Anumang pagtataboy ng anak ang gawin,
Balewala sa kanila't ito'y iindahin.
Sapagkat alam nila na ika'y babalik pa rin,
At taas noo na isigaw pangalan nila sa'min.

Hindi man sila kasinglakas ni Superman,
O kasing talino ni Einstein at Batman,
Pero nandoon pa rin magpakailanman,
Ang kanilang puso at ang katapangan.

**********************************************************************************

SA HULING SILAHIS
ni Brian P. Rebalde


Inaabangan ko doon sa kanluran,
Ang huling silahis ng katag-arawan.
Iginugunit ko ang iyong pangalan,
Sa pinong buhangin ng dalampasigan.

Aking dinamdam sa hanging habagat,
Mga alaala ng halik mo't yakap.
Sa bahaw na simoy ng pagkakasangkap,
Ay nagdaang samyo ng iyong paglingap.

Ginugunam-gunam, sinasaklit-anyo,
Ang iyong larawan at mga pagsuyo.
Ang lungkot ng diwa't dibdib pati puso,
Sa kutim na ulap nakikisapyo.

Sa pag-aagawan ng araw at buwan,
At pagkapanalo nitong kadiliman.
Ay nakikibaka ang kapighatian,
Sa pangungulila sa iyong pagpanaw.

Ang iyong pag-iral, hindi na babalik,
Kahit na ako'y lubos na tumangis.
Pag-ibig na lamang na igting na nais,
Ang makakapiling sa huling silahis.

***********************************************************************************

HAPDI
ni Lloyd Florita


Kung ako sa iyo'y magtungo,
Maganda mong mukha'y tumungo.
Mga ngiti mo'y kay bilis naglaho,
Binalahaw mo tuloy ang tulog kong puso.

Ako'y isang ganap na bubuyog,
Na handang talakayin anumang pasabog.
Maprotektahan lang ang bulaklak na natutulog,
Upang mga takot at alala'y tuluyang lulubog.

Sapagkat 'di ko lubos maintindihan,
Kung bakit  lubos ang iyong karahasan.
Nais ko lang nama'y magmahalan,
Sa dalagang tulad mo'y hulog sa kalangitan.

Karapatdapat ba akong masaktan ng ganito?
Minahal naman kita ng totoo.
Ngunit tila puso mo'y kasing-tigas ng bato,
Kaya't sa laban na ito'y ako'y natalo.

Sa pagbaha ng aking mga luha,
Sinampal ng alon na tila walang awa.
At sa pagkupas ng iyong tiwala,
Mamahalin pa rin kita nang walang sawa.

*************************************************************************************

ANG NATATANGING PAMILYA
ni Lord Simon C. Mondigo


Inspirasyon ko ang aking pamilya,
Mahal nila ako't, mahal ko ron sila.
Mula sa pagkabata ay kinalinga,
Hindi pinabayaan at laging inaaruga.

Maging sa pag-aaral sila'y inspirasyon,
Dahil mula sanggol binigyan nila ako ng proteksyon.
Kaya ako ay may lakas at may determinasyon,
Na tuparin ang aking mga imahinasyon.

Ngunit dumating ang isang araw,
Na ako'y nawala at naligaw.
Nalulong sa maraming bisyo,
At nadarama ko ay pagkabigo.

Kahit ito'y nangyari na sa akin,
Buhay na parang alipin.
Pero tinanggap pa rin nila ako,
Dahil gusto nila ang buhay ko'y magbago.

***************************************************************************************

itutuloy............!!! sundan nyo lang!!


























No comments:

Post a Comment